Nung bata pa ako, lagi kong tinatanong sa aking nanay kung ako ba ang “the best” –sa pag-aaral, sa piano, at iba pa. At iisa ang lagi niyang sagot: Hindi ako kailan man magiging the best, dahil laging may taong mas magaling. Ngunit, ang kailangan lang sa buhay ang gawin ang “the best that you can” at para sa kanya, sapat na nagsikap akong maging mas mabuti.
Kaya gusto ko ang “better” dahil kung “better” laging may puwang para sa pagunlad. Sa kabilang banda, hindi mo na kailangang magsikap kung best ka na!
Sakit ng ating lipunan ang social comparison: sino ang pinaka-maganda, pinaka-matalino, pinaka-magaling, pinaka-popular. Ayon sa pag-aaral sa bagong generasyon, laging may kulang at kabiguan ang buhay, sanhi ng mga posts ng “perfect lives” ng kapamilya, kaibigan o celebrity.
Ayon kay Leon Festinger, ang hangaring ikumpara ang ating sarili sa iba ay isang “drive” –Kasing lakas ito sa uhaw o gutom. Mas madaling sabihin, kaysa gawin.
Nguni’t posibleng lampasan ang ganitong pagkukumpara. Sanayin natin ang ating puso na maging masaya sa tagumpay ng iba; habang pinagdiriwang din natin ang ating mga narating.
Manalangin tayo: O Diyos, nawa’y tulungan mo kaming iwasan ang inggit at selos, upang mapahalagahan namin ang iyong ginagawang personal sa aming sarili. Amen.
