This is a transcript of the video below:
Paano mo huhubugin ang kabataan sa bahay? Para sa mabungang-buhay, tayo na po’t magkape’t pandasal.
Maraming mga kabataan ang tinawag ng Diyos upang maging daan para sa kanyang mga dakilang plano sa sangkatauhan. Kinse anyos pa lamang si Haring David nang pinili siya bilang Hari ng Israel. Labing-pito lamang si Jose o Joseph na anak ni Jacob nang nagparamdam na ang Diyos sa kanyang mga panaginip. Labing-apat lamang si Esther nang naging Reyna ng Persia at ginamit niya ang kanyang posisyon upang iligtas ang bayang Israel.
Nagpakita ang anghel Gabriel kay Maria noong siya’y labing-dalawa o mahigit, upang maging ina ng Panginoong Hesus. Si San Timoteo naman ay dalawampu’t isa nang sumama siya kay San Pablo upang ipalaganap ang Mabuting Balita sa buong Asya, at naging isang lider sa mga pinaka-unang mga Kristiyano. Upang hindi maging sagabal ang kanyang edad, isinulat ito ni San Pablo. Wika niya,
“Huwag hamakin nino man ang iyong kabataan, sa halip, ikaw ay maging uliran sa mga may pananampalataya.”
1 Timothy 4:12
Dahil dito, huwag nating hahamakin ang pagiging bata ng ating mga anak. Marami silang magagawa at maitutulong. Magtiwala sa kanilang kakayahan. Buhayin ang kanilang loob kapag nawawalan sila ng gana. Bigyan sila ng nararapat na responsibilidad sa bahay, tulad ng paglilinis ng kanilang kuwarto o paghuhugas ng pinggan.
Kapag nagampanan nila ang kanilang tungkulin, tama ang kanilang mga desisyon, mahusay ang kanilang gawain, purihin sila nang taos-puso. Magpasalamat sa kanila kapag nakikita natin ang kanilang pagbabago sa kanilang mga pag-uugali.
Higit sa lahat, nakakatulong ang maglagay ng iba’t ibang larawan na nagpapaalala ng mga taong minamahal sa buhay. Isama na rito ang mga kasabihang nakaka-enganyo at nagsisilbing inspirasyon at paalala.
Manalangin tayo: O Diyos, pagsikapan nawa naming maging uliran ng mga kabataan upang maging tunay na pag-asa sila ng aming kinabukasan. Amen.