This is a transcript of the video below. Check out my channel and subscribe for more videos like this.
Paano magdasal sa gitna ng krisis? Nahirapan ka bang magdasal sa gitna ng kahirapan sa buhay? Sa gitna ng kawalang-kasiguraduhan sa kinabukasan; sa sunod-sunod na kabiguan; sa karumaldumal na mga pangyayari sa ating bansa; sa pakiramdam na pinabayaan na lang tayo ng ating pamahalaan upang magkanya-kanya na lamang sa gitna ng pandemiya?
Paano nga ba magdasal kapag tila iniwanan na rin tayo ng Diyos?
Ganito ang pakiramdam ng mga alagad ni Hesus nang siya’y ipinako sa krus. Kukuha tayo ng inspirasyon sa kuwento ng dalawang alagad na naparoon sa bayan ng Emaus (Luke 24: 13-35). Punung-puno sila ng katanungan ukol sa mga pangyayari.
Dito sinamahan sila ni Hesus sa kanilang paglalakbay. Nguni’t hindi nila ito nakilala.
Kahit punong-puno tayo ng kabiguan, maaari nating ibuhos sa Panginoon ang ating mga saloobin kasama ang mga nararamdam at mga katanungan na nakaliligalig sa atin. Sasabayan at papakinggan tayo ng Panginoon, kahit hindi natin Siya nakikita.
Kailangang umahon muna tayo sa ating pagdadalamhati.
Kapag naibsan na ang ating kalooban, maaari nating sariwain ang mga oras na iniligtas tayo ng Diyos, maaring kuwento ito na galing sa bibliya o sa ating mga personal na buhay. Pinaalala ng Panginoon sa mga alagad ang mga nasulat ukol sa kanya. Dito nagsimulang umalab ang kanilang puso, kaya nang makarating sila sa Emaus, inimbita nila si Hesus na manatili; binuksan nila ang kanilang tahanan para sa kaniya.
“Fixation blocks recognition.”
Fr. Victor baltazar SJ
Sa hapag kainan, nakilala nila si Hesus. Gayon din sa atin. Sa pagbabalik-tanaw at pagninilay, muli nating maihahanda ang ating mga puso upang makilala ang Panginoon.
Manalangin tayo: O Diyos, binuksan mo ang mga mata ng mga alagad. Paalabin mo muli ang aming puso upang hindi kami mawalan ng pag-asa sa iyong pagliligtas sa amin. Amen.