This is a transcription of the video below meant to reflect on Easter this week.
Bago ang lahat, happy, happy Easter po sa inyong lahat! Paano mo ibinabahagi ang kaligayahang dulot ng muling pagkabuhay ni Kristo? Para sa mabungang-buhay, tayo na po’t magkape’t pandasal.
Mga masasayang kuwento ang mga alaala ng muling pagkabuhay na nakalagda sa mga pahina ng bibliya. Ito ay mga kuwento ng pagbabago, tulad ng pagsibol ng panibagong pag-asa pagkatapos ng pagkabigo, pagkakaroon ng kaliwanagan pagkatapos ng pagdududa, at pagpapanumbalik ng malalim na pagkakaibigan pagkatapos ng pagtanggi at pagabandona ng ilan sa mga pinakamamahal ng Panginoon.
At dahil sa labis na kagalakan sa bunga ng pagmamahal ng Diyos sa mga disipulos, at sa kabilang banda, ng pananalig rin nila sa Panginoon, nagkaroon ang mga alagad ng tapang at lakas upang ibahagi itong saya sa iba.
Wika ni Amy Carmichael,
“You can give without loving, but you can never love without giving.”
Amy Carmichael
Ang tunay na kaligayahan na nagmumula sa labis na pagmamahal ay hindi kailanman maaaring pansarili lamang. Nababahagi ito sa pagsasalo-salo tulad ng paghahanda ni Hesus ng almusal sa Tiberias, pagpapaimbita sa hapunan ng dalawang disipulos sa Emaus, o kaya ang kanyang hiling na kumain bilang pagpapatunay na siya’y buhay na buhay!
Kaya rin ba nating makisalo sa iba’t ibang taong mahal din ng Panginoon, nguni’t iba sa atin: halimbawa, iba sa paniniwala, kasarian, kultura, kulay o pinanggalingan? Wika ni Hesus, “Because I live, you will also live.” Maibabahagi rin ba natin nang may saya at sigasig si Hesus na buhay na buhay sa atin?
Manalangin tayo: Hinihiling namin, O Panginoon, na ang biyaya ng Muling Pagkabuhay ay managana sa aming kaluluwa. Makamit sana namin ang kaloob mo yayamang pinatahak mo kami sa landas ng kaligtasan. Amen.