Hindi kailangang malalaking hakbang para magbago ang buhay. Naalala ko noong nagsisimula pa lamang ako sa pagpapari. Naglilinis kami ng seminaryo tuwing alas-otso ng umaga. Tinatawag namin ito bilang manualia, ang araw-araw na gawaing pambahay.
Tinuturuan kaming maglinis nang buong puso, hindi dahil madumi na ang lugar, kundi matuto kaming tumutok sa dapat na gawain, ialay ito sa Diyos at hindi gumala ang aming isipan. Malinis na ang sahig sa araw-araw ba naming pagpupunas, ngunit ginagawa pa rin namin para sa budhing walang dungis. Sa bawat pagwawalis, inaalis ang mga dumi sa aming puso.
Sinasalamin ng ating mesa ang tunay na kalagayan ng ating isipan.
Kaya sa panahon ng “work from home” o “distance learning,” ihanda ang mesa para sa araw-araw na pakikibaka. At bago matapos ang trabaho, mainam na ayusin ang mga kagamitan, punasan ang mesa, at ihanay ang mga libro upang maihanda ang ating sarili sa pagpapahinga. Makakatulong ito lalo na sa kalusugang pangkaisipan o mental health.
Manalangin tayo: O Diyos, ikaw ang lumikha ng maayos naming kapaligiran, nawa’y ugaliin namin ang linisin ito kasama sa paglilinis ng aming puso’t isipan. Amen.