Isa sa mga gawain sa panahon ng Kuwaresma ang pag-aayuno o fasting, kung saan isang kumpletong pagkain lamang sa isang araw ang pwede; o abstinence, kung saan iniiwasan natin ang anumang uri ng karne, bilang sakripisyo at pakikiisa sa pagpasan ng krus ni Hesus para sa ating kaligtasan.
Nguni’t maaari nating mas gawing makahulugan ang pag-aayuno. Ayon kay Pope Francis, sa halip ng masasakit na salita, palitan ito ng kabaitan; ang galit, palitan ng pasensya; ang pag-aalala, palitan ng tiwala sa Diyos; ang bitterness, palitan ng pasasalamat at kaligayahan; ang sama ng loob, palitan ng pagpapatawad. O ang aking paborito dahil madaldal po ako, maaaring manahimik, upang umigting ang pakikinig natin sa Diyos.
Pinanggagalingan ng anumang pag-aayuno ang panloob na pagbabago.
Tweet
Balewala ang pag-iiwas sa karne, kung maitim naman ang ating budhi. Walang kuwenta ang pag-iiwas sa labis na pagkain, kung labis naman ang galit sa kalooban.
Manalangin tayo: O Panginoon, nawa’y hindi namin makalimutan na pagbabagong-buhay ang tunay na dahilan ng Panahon ng Kuwaresma.