Note: I received many questions about how to live the faith practically, in a day-to-day basis. If our faith life permeates all aspects of our lives, and not just compartmentally like Sundays, then those in my social media wanted to know how to look at practices and habits in the perspective of faith. This is post #1.
Nagkalat ang mga convenience stores sa buong bansa. Lahat ng bagay maaari mo nang bilhin, gamit ang mga applications ng cellphones. Lahat halos maaaring i-deliver, hindi mo na kailangang mamalengke’t magluto. Sa konting oras, nasa pintuan na ang iyong pananghalian.
Nguni’t may kakaibang sarap ang pagkaing inihanda ng sariling kamay. May lasa ang gulay na ikaw mismo ang pumili sa palengke. Mas malinam-namnam ang matagal nang pinakuluan, tulad ng bulalo’t sinigang. Matamis ang buhay na yari sa tiyaga: ang diploma mong pinagpaguran; ang pag-ahon sa kahirapan na sanhi ng masigasig na pagtatrabaho; ang pagkakataong ipasyal ang mga magulang bilang gantimpala ng unang sweldo.
Kailangan ang oras at pagsisikap upang maranasan ang sarap ng buhay.
Marami sa atin ang nangangarap ng maginhawang buhay, nguni’t nananatili lamang sa social media ang mga mungkahi para gawin ng iba—maliban sa atin. Sila ang mga “why don’t you do this, and do that” pero wala namang itinutulong. Baka kailangan na natin gumalaw. Simulang linisin ang kapaligiran. Simulang magbigay ng voter’s education. Sa lahat ng ito, kailangan ang tiyaga’t pasensiya.
Manalangin tayo: Yamang ikaw ang nagsusumikap na baguhin ang aming buhay, idinudulog namin sa Iyo, O Panginoon, ang bunga ng aming pagsisikap. Amen.