Nanonood ka ba ng mga laro sa UAAP? Hindi lamang sa basketball, kundi sa lahat ng laro? Kung ituon natin ang ating mga mata hindi sa mga atleta, kundi sa bleachers at sa mga nanonood at suporta, ano ang iyong mahahata?
Ito ang aking personal na karanasan, kapag talunan, walang nanonood. Kapag panalo, biglang namumulaklak ng tao ang mga upuan. Punong-puno ang Araneta o ang MOA at sumisigaw, “Mahal namin kayo!” Hindi para manlibak, kundi para meron tayong makukuhang aral sa buhay. Wika nga ni Pope Francis, maraming maaaring mapupulot na aral sa buhay sa sports.
“Win or lose, it’s the school we choose!” Ito ang sigaw sa lahat ng labanan sa mga paaralan naming Heswita. Sa iba naman, ito ang sigaw, “Walang iwanan.”
Nguni’t meron talagang nagaganap na iwanan: walang bumibili ng ticket sa laro, kapag walang pag-asang manalo. Ito ba ang walang iwanan? Kapag kasagsagan ng kahirapan, wala kang kamag-anak. Kapag nakaraos ng kaunti dahil biglang nag-abroad, biglang dumadami ang kamag-anak! At naghihintay ng pasalubong! Kapag nakadapa ka sa lupa, walang kang mahagilap na kaibigan. Kapag nakaahon ka, biglang nasusulputan ang mga kaibigan. At nagpapalibre!
Walang iwanan sa tunay na pagmamahalan. Sa hirap man o ginhawa, sakit man o kalusugan. Matalo o manalo, iisa ang minamahal. Gusto ko ang ginagamit sa kasal: “pag-iisang dibdib.”
Manalangin tayo: “O Diyos, patawarin mo po kami sa mga oras na iniwan namin ang aming mga minamahal sa panahon ng kagipitan. Patawarin mo rin po kami sa mga panahong lumayo kami sa iyong piling. Nawa’y matuto kaming samahan ang isa’t isa sa hirap man o ginhawa.” Amen.