Magkaibigan sina Andres at si Tomas, pareho silang baldeng nilalagyan ng tubig. Naging magkaibigan sila dahil lagi silang nagkikita sa parehong bukal ng tubig. Isang araw, nabanggit ni Andres ang kanyang hinaing.
Sabi niya, “Alam mo Tomas, naiinis na ako sa buhay ko. Lagi akong bumabalik dito sa bukal nang walang laman.” Masayang tumugon naman si Tomas, “Alam mo Andres, ako nama’y natutuwa. Tuwing umaalis ako dito sa bukal, lagi akong puno. Baka kailangan mong ibahin ang iyong pananaw.”
Mga kapatid, baka nga kailangan natin buguhin ang ating pananaw sa buhay lalung-lalo na sa Paskong ito.
Sa halip na makita natin ang hirap at hinanaing, maaari nating bigyang-pansin ang pag-unlad na sanhi ng ating pagtitiyaga. Pinagdiriwang natin sa Paskong ito ang pagsilang ng pag-asa, ang Prinsepe ng Kapayapaan.
Manalangin tayo: O Dios na makapangyarihan at maawain, sa aming pagsalubong sa iyong Anak ay huwag sanang makasagabal ang aming mga gawain araw-araw.