Yumao na ang aking mga magulang. 1990 nung sumakabilang-buhay ang aking tatay; 2014 naman ang aking nanay. At naramdaman namin ang kanilang pagkamatay: kasama na rito ang iba’t ibang ginagawa nila para sa amin. Kahit inihahain pa rin sa amin ang Bicol Express, iba pa rin ang luto ng nanay. Naramdaman namin ang pagka-wala: iba na ang “feel” ng aming bahay, ngayong wala na ang aming mga magulang.
Paminsan-minsan napapa-iyak ako kung maalala ko sila. Hindi na mapapawi ang pakiramdam mo na wala na sila. Kaya sila ay nami-miss; at sila din ay iniiyakan mo. Ngunit, hindi ba, iniiyakan lang natin ang mga malapit sa ating puso; nami-miss natin ang mahal na mahal, hindi ang mga buwisit sa ating buhay?
Ang pag-aalala at pagdalaw sa kanilang libingan ay isang pagpupugay, pagpaparangal at pasasalamat sa kanilang nai-ambag sa atin.
Kung sino man tayo ngayon, ay dahil sa kanilang ginagawa para sa atin. At ang kabutihan nila ang siyang dahilan kung bakit sila ang ating personal na banal, our saints.
Manalangin tayo: O Panginoon, ipinagdiwang namin ang kaarawan ng pagkamatay at muling pagkabuhay ng iyong Anak, sa kapakanan ng mga yumao. Loobin mo na makapasok sila sa tahanan ng liwanag at kapayapaan. Amen.