Nagbabago ang ating mga damdamin. Sabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, iiyak kayo at tataghoy, habang magagalak ang mundo. Ngunit ang paninimdim magiging kagalakan.
Halimbawa, marami ang namimighati sa anumang paglisan tulad ng pangingibang bansa o pagsasakabilang-buhay. Nasasaktan at mananaghoy ang mga naiiwanang pamilya’t kaibigan. Magiging masakit sa kanila ang daan ng krus.
Para sa isang kakilala na nagsapalarang maging isang domestic helper sa Middle East, nangangamba siyang maging malupit ang kanyang magiging amo.
Ngunit, nagbabago din ang ating buhay. Hindi lahat ng panahon, tayo’y nagugulumihanan, natatakot o nasasaktan. Hindi lahat ng oras nakakadama tayo ng lungkot at pait.
Hindi ang krus ang pinakahuling karanasan natin, kundi ang muling pagbangon at pagkakaroon muli ng pag-asa.
Ipagdasal natin na hindi tayo nawawalan ng pag-asa sa gitna ng pangamba dahil darating din ang oras ng pagbubunyi.