May mahiwagang kahoy sa gitna ng kagubatan. Malaki ang kanyang katawan at malago ang kanyang mga dahon. Sumisibol ang mga bulaklak kapag tag-init, at namumunga ito nang marami.
Isang karatula ang nakasabit sa pinakamababa niyang sanga: “Ako’y isang mahiwagang kahoy, mabubuksan ninyo ang pintuan tungo sa isang kuwebang may limpak-limpak na ginto.”
Isang araw, napadaan si Marcial sa kinaroroonan ng mahiwagang kahoy. Binasa niya ang palatandaan at sinubukan niya ang mga salitang, “Abrakadabra!” “Open Sesame!” At iba pa, ngunit nanatiling sarado ang pintuan.
Basang-basa na ng pawis si Marcial nang nagmakaawa siya sa kahoy, “Sige na po, paki-buksan ang pintuan!” At bumukas ang pintuan. Sa tuwa, sinabi niya, “Maraming salamat po, O mahiwagang kahoy!” At bumukas ang isang kuweba sa loob ng kahoy. At doon, nakita ni Marcial ang limpak limpak na ginto.
Ang magalang na “po” at “salamat” ang mahihiwagang mga salita na nakakabukas sa puso natin. Gawin nating isang permanenteng ugali ang pagiging magalang at mapagpasalamat.
Manalangin tayo: “O Diyos, nawa’y ibaling ang aming mga mata upang makita namin ang halaga ng bawat tao, at ang pusong walang sawang nagpapasalamat sa Iyo. Amen.”