May isang uod na nakatira sa loob ng isang mangga. Mataas ang punong-kahoy kaya parang bahay-bakasyunan ang kanyang tinitirhan. Katabi niya ang kanyang mga kapamilya niyang mga uod na nakatira sa mga iba’t ibang puno sa isang malawak na pataniman ng prutas.
Isang araw, naisipan ng uod na mamasyal. Bumaba siya sa puno hangga’t nakarating siya sa isang kuwarto na punong-puno ng laruan. Nang nakita siya ng mga laruan, natuwa sila, dahil siya lamang ang kakaiba sa kanilang lahat. Dahil pinagkaguluhan siya na parang artista, labis siyang naaliw sa kanyang bagong mga kaibigan. Mabilis lumipas ang mga oras, hanggang siya’y ginabi at di na makauwi. Kinaumagahan, may narinig silang ingay sa labas ng kuwarto.
May mga tao sa pataniman ng mangga, isa-isa nilang inaani ang mga hinog na bunga. Nagmadaling umuwi ang uod, ngunit wala na siyang naabutan. Wala na ang kanyang mga kapamilya, at wala na rin ang mga mangga.
Mga kapamilya, ang pag-uwi sa tamang oras ay importante: nakakasama at nakakausap natin ang ating kapamilya sa hapag-kainan. Upang sa panahon ng kailangang paghihiwalay, wala tayong panghihinayang.
Manalangin tayo: O Dios, bigyan-diin nawa namin ang halaga ng panahon sa aming mga minamahal. Amen.