May kuwento ako ukol kay Mang Berting at Mang Tiago na magkapitbahay. Isang araw napadaan si Mang Berting sa bahay ni Mang Tiago. May nakita siyang papel na nahulog sa bintana. Naisip niya na dinudumihan ni Mang Tiago ang kanyang bakuran. Kaya, inisip niyang dalhin ang kanyang basurahan at ilagay sa ilalim ng bintana ni Mang Tiago. Wala siyang sinabi, sana, isip-isip niya, na makuha ni Mang Tiago ang mensahe.
Sa kabilang banda, nakita ni Mang Tiago ang paglagay ng basurahan ni Mang Berting sa ilalim ng kanyang bintana. Nainsulto siya. Yung nawala niyang documento, nahulog pala sa bintana, at ngayo’y punit-punit na. Wala siyang sinabi. Naisip ni Mang Tiago ang gumanti. Kaya, pinakawalan ni Mang Tiago ang kanyang baboy sa bakuran ni Mang Berting. Lumala nang lumala ang sitwasyon hanggang buong pamilya na ang nag-aaway.
Umabot sa suntukan at pareho silang na-ospital. Nguni’t nagkatabi ang kanilang higaan sa hospital ward. Ito ang nagsilbing daan na makapag-usap sila.
Dito nadiskubre nila ang puno’t dulo ng lahat: naiwasan sana ang kaguluhan kung sa unang pagkakataon, nag-usap sila.
Mga kapamilya, huwag nawa nating patagalin ang ating alitan. At daanin sa masinsinang pag-uusap.
Manalangin tayo: O Dios ko, turuan mo kaming ayusin ang aming mga ugnayan, nang sa gayon kami’y maging daan ng kapayapaan. Amen.