May isang batang galit sa mundo. Araw-araw may nakikita siyang mali, at ito ang ginagawa niyang dahilan upang magalit. Masakit magsalita ang bata kaya lahat ng kanyang kapamilya, kaibigan at kasamahan ay ayaw nang makipaglaro sa kanya. Wala rin nagawa ang kaniyang mga magulang. Hanggang isang araw, may naisip ang kanyang tatay.
Binigyan niya ng isang bayong na pako ang kanyang anak. Sabi niya, “Bawat saglit ng iyong galit, ipako mo sa bakod.” Naubos ng bata ang bayong sa dalawang linggo, at binigyan siya uli ng isang kahon. Habang tumatagal, naging mahirap ang pagpako sa bakod dahil punong-puno na ito. Kaya naisip niyang pagpasensyahan na lamang ang anumang ikinagagalit niya. Isang araw, may pinagawa ang kanyang tatay. “Anak, tanggalin mo ang isang pako kapag nako-kontrol mo ang iyong sarili.” At sinunod naman ng bata ang payo ng tatay. May mga naalis siya, ngunit may mga pakong hindi niya matanggal.
Paliwanag ng tatay: “Kahit humingi ka ng tawad, at pinatawad ka, ang sugat na naiiwan ng matatalas mong mga salita ay nananatili sa puso ng mga tao. Hindi mo siya matatanggal.”
Pag-isipan natin ito sa ating buhay, mga kapamilya. “O Diyos, pawiin mo nawa sa aming mga puso ang aming galit, at palitan ito ng mababait na hangarin. Amen.”