May bagong kuwento ukol kay Pong Pagong at Kong Kuneho. Alam na natin ang unang karera, nanalo si Pong Pagong dahil nakatulog si Kong Kuneho. Kaya sa pangalawang karerang binalak ni Kong Kuneho, siya naman ang nanalo. Mas maigi daw na mabilis at walang tigil.
Ito ang bagong kuwento: ang pangatlong karera. Napagkasunduan na ibigay sa pagong ang pagpili ng daraanan sa karera. Dahil naging matunog sa mga hayop ang karera ng pagong at kuneho, mas marami na ngayon ang dumalo at nanood. Punong-puno ang tabi ng kanilang dadaanan. Nang magsimula na, mabilis at nauna na si Kong Kuneho. Sigurado siyang siya ang magwawagi, hanggang sa umabot sa isang malaking ilog. Malakas ang bugso ng tubig kaya matagal siyang tumigil.
Dumaan ang pagong, nilangoy ang ilog, at nakarating sa finish line, habang nagsasasaya ang mga hayop sa kagubatan.
Mga kapamilya, binabagayan lang ang ating mga kagalingan. Huwag maliitin ang anuman kakayahan. May magagaling sa ibang bagay, mas magaling ka naman sa iba pang pagkakataon.
Manalangin tayo: O Diyos na nagmamahal sa bawat isa sa amin, pahintulutan mo rin kaming maging masaya sa aming sariling talino’t kakayahan. Amen.