Bilang pari, ilang beses ko nang pinakinggan ang huling kahilingan ng mga taong naghihingalo. Wala sa kanila ang nagsabing, “Fr, gusto ko pong ipunin ninyo sa aking tabi ang lahat ng aking mga medalya’t diploma. Ilagay nang paikot ang lahat ng aking mga achievements.”
Sa kabilang banda, pawang hiling ng pagtitipon ng pamilya’t kaibigan ang narinig ko. Gusto ng naghihingalo ang mamatay katabi ang kanilang mahal sa buhay. May iba ngang nagsabi na hinintay daw silang makarating galing pang abroad bago nilagutan ng hininga ang yumao. Iisa lamang ang sinasabi ng karanasan kong ito. Ang pagpapakita ng pag-ibig sa salita at gawa ang pinakamahalagang gamit ng buhay.
Pagnilayan natin sa araw na ito, mga kapamilya, kung ano ang priority natin sa buhay. Ginugugol ba natin sa pagpapalalim ng ugnayan ang ating buhay o mas nakatuon ang ating isipan sa pagpapadami ng pera, medalya o diploma? Mas dumadami ba ang iyong mga tunay na kaibiga’t kapamilya, o kumukonti na lamang?
Manalangin Tayo. O Ama, isinasamo namin, kami sana’y ilayo mo sa dilim ng kamalian at laging hanapin ang liwanag ng katotohanan. Amen.