Hindi na natin kailangang ipaliwanag ang pinakamahalaga sa buhay: ang ating ugnayan, our relationship. Sa katunayan, ang ating buong buhay ay isang mahabang pag-aaral kung paanong palalaguin ang pagmamahalan natin sa isa’t isa at sa Diyos na higit na nagmamahal sa atin. At dahil dito, inuutos ng Panginoong Hesukristo na bigyang prioridad ito kaysa pagsamba.
Sa sulat ni San Mateo, wika ng Panginoon:
“Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain, at naaalala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos.”
Dahil dito, maliwanag na sa pagkikipagkasundo, hindi importante kung sino ang may sala. May sala man ang iyong kaaway, o ikaw ang may kagagawan ng iyong away, ikaw na ang unang lumapit.
Manalangin tayo:
O Diyos, nawa’y pawiin mo ang galit sa aming mga puso, at panaigin mo ang pagmamahal bilang higit na tunay na hain sa iyong altar. Amen.