Mga pabigat ba sa iyong buhay ang mga taong nakaka-inis, nakaka-frustrate, nakaka-buwisit? May iilang taong ginawa ka na nilang araw-araw na pulutan sa kanilang panlalait. Sila minsan ang pinagmumulan ng ating pagkakasala o pagkakamali.
Nguni’t sila rin ang mga taong kasama mo sa pananampalataya: kapwa-Katoliko o Kristiyano?
Mahirap matutong magmahal nang wagas lalo na sa mga taong buwisit sa buhay. Taliwas daw ito sa ating natural na pagkamakasarili. Nguni’t inuutos ng Diyos ang magmahal, kahit ito’y habang-buhay na pinag-aaralan.
Ayon kay San Pedro: “Magpakita ng espesyal na pag-ibig sa anak ng Diyos.” Bakit? Dahil nais ng Diyos na makilala tayo sa ating taus-puso at wagas na pag-ibig sa isa’t isa.
Sabi ni Hesus, “Sa ganito makikilala ng madla na kayo ay aking mga alagad, kung mag-iibigan kayo.”
Dahil dito, mahirap matutong magmahal nang mag-isa. Ang mga taong nakaka-irita ang tumutulong at sumusubok sa lalim ng ating pagmamahal.
Manalangin tayo. O Panginoong Hesus, maging mahinahon at makatuwiran kaming nagsisikap maging mapagmahal, na sa bawat sigalot, ay magsikap kaming humanap ng lunas batay sa kapayapaan at pagdadamayan. Amen.