Maligayang kapistahan po sa ating mga kapamilya sa Cebu!
Alam niyo po ba na masarap ang maging isang guro? Isa sa mga kinamamanghaan ko ang makita ang mga estudyante kong nagbabago: pagkatapos ng Grade 9, biglang nagiging binata na silang tingnan. Ngunit mas mahalaga sa akin ang pagbabagong nagaganap sa mga bata ukol sa kanilang pag-uugali.
Isang pagre-respeto ng proseso ng paglaki at paglago ang debosyon ng Sto. Nino.
Nauunawaan natin na unti-unti at hinay-hinay ang pagtanda o mas maigi, pagiging mature. Hindi maaaring madaliin ang anumang pagtubo. Pinagpaplanuhan, pinagtiya-tiyagaan at pinagsisikapan ang kahit na anong paglalago, tulad ng isang magulang na nagpapalaki ng anak.
Tulad nang sinabi sa Ebanghelio, tuloy-tuloy ang paglaki ni Hesus habang natututo Siyang mamuhay nang ayon sa kalooban ng Diyos.
Hinahamon ng debosyon sa Sto. Nino ang pagpapahalaga sa proseso ng pagpapatibay lalung-lalo na sa pananampalatayang makikilaban sa sistemang salungat sa Diyos.
Manalangin tayo: “Hinihiling namin, Panginoon, tanglawan sana ng iyong Banal na liwanag ang aming mga puso upang makarating kami sa liwanag ng langit. Amen.”