Mas malaki ang utang na loob ng isang taong matindi ang nagawang kasalanan kaysa ang taong hindi mabigat ang pagkukulang. Kailangan ito ng paglilinaw: hindi ibig sabihin kailangan nating gumawa ng kahangalan para maramdaman natin ang tindi ng pagmamahal ng Diyos.
Pinapahiwatig nito na mali ang akala na ang mga banal at malinis lamang ang nararapat na lumapit sa Diyos.
Maraming piniling makasalanan ang Diyos upang maging pinuno ng sambayanang Kristiyano. Isang mamamatay-tao si Moises, Dabid, at San Pablo. May lamat ang buhay nina San Agustin at San Ignacio. Ang pinakadakilang banal ang siya ring dating dakilang makasalanan. Ngunit dahil labis ang kanilang pasasalamat na pinatawad sila ng Diyos sa kabila ng kanilang nagawang karumaldumal, ibinuwis nila ang kanilang buhay para sa Maykapal.
Kadalasan hinihintay natin ang panahong ganap na malinis ang ating budhi. Saka na tayo magkakalakas-loob na lumapit sa Diyos. Ngunit hindi nagkakatotoo ito; laging nababahiran tayo ng dumi.
Manalangin tayo: O Dios, patawarin ang aming mga sala, at gawin mong lagi naming matapat na sundin ang loob mo upang kami’y wagas na makapaglingkod sa iyo magpasawalang-hanggan. Amen.