May kaugnayan ang nagbabahagi sa isang tinapay sa hapag-kainan. Isang pamilyang magkasalo sa inihandang almusal. Isang barkadang magkasamang naghahati-hati sa pananghalian. Isang magkasintahang nagsasalo sa inorder na pagkain. Magkakaugnay ang nagsasalo-salo sa iisang handaan. At nagbubuklod sa kanila ang pagibig sa isa’t isa o sa taong sanhi ng kanilang pagdiriwang.
Dahil dito, isang komunidad ang nagbabahagi ng katawan at dugo ni Kristo sa misa. Magkakapatid tayong lahat dahil iisa lamang ang ating Ama.
Ganito din ang pinakamimithi ng Panginoon. Bagaman tayong lahat ay magkakaiba sa kulay, pananampalataya, at kultura, pinapangarap ng Diyos ang panahong hindi ang ating pagkakaiba ang mas mahalaga, kundi ang ating pagiging isang pamilyang sakop sa iisang pagmamahal sa Diyos, tulad ng mga taong nagkakaisa sa iisang handaan.
Maaaring pagnilayan natin ngayon ang ating mga pag-uugali ukol sa pagbibigkis. Sa panahon na may mga paguusig sa sumasampalataya sa Muslim at Kristiyano, may mga ginagawa na rin ba tayong nakakatulong sa pagpapanday ng komunidad ng Pilipino tulad ng pagkilala sa kahusayan din ng iba?
Manalangin tayo: O Dios, ang iyo nawang kagandahang-loob ay sumubaybay sa aming pagbubuklod ngayon at araw-araw. Amen.