Kilala natin ang mga “lady bugs,” “ladybirds,” o “ladybeetles” dahil sa polka dots sa kanilang pulang pakpak. Noong mga panahon, wala pa ang mga polka dots sa kanilang pakpak. Sa katunayan, iilan lamang ang natira sa kanila nung dumating ang isang malaking delubyo at sinagip ang kanilang lider.
Isang araw, nagusap sila na maglakbay patungo sa isang malaking lawang narinig lamang nila sa kanilang mga ninuno. Dahil dito, ang mga kandidatong gustong maging pinuno ang mauuna doon upang sa kanilang pagbalik, sila ang magiging guia nila.
Marami ang bumalik na nagkuwento kung gaano kaganda ang lawa. Malinaw ang tubig; malago ang mga dahon ng mga tanim; makukulay ang mga bulaklak. Maliban na lamang kay Lita Ladybird. Ilang araw ang nagdaan bago ito nakabalik. At iba ang kanyang kuwento.
Kabaliktaran ng lahat ng kuwento: putikan ang tubig; binaha ang mga tanim; walang bulaklak sa paligid. Natural, hindi naniwala ang buong tropa. Nang nakarating sila sa lawa, natuklasan nila na totoo pala ang kuwento ni Lita Ladybird!
At dahil dito, hinirang nila bilang Dakilang Pinuno si Lita dahil siya ay mapagkakatiwalaan. At ang mga sinunggaling? Pinintahan nila ng bilog na itim ang kanilang mga mga pakpak! Mga kapamilya, panatilihin nawa nating malinis ang ating budhi’t karangalan, upang pagkatiwalaan tayo!
Manalangin tayo: O Panginoon, ipagkaloob mo na pakundangan sa panalangin ng aming mahal na Ina, linisin mo ang aming mga puso upang matamo namin ang kaligtasan at kaluwalhatian ng iyong Anak na si Hesus. Amen.