Ang panahon ng tag-araw o summer ay panahon din nating bigyang-pansin ang ating mga hilig sa buhay. May mga gustong matutong lumangoy, sumayaw, magsulat, magluto atpb.
Kadalasan, isinasantabi natin ito dahil binibigyan natin ng puwang ang mga araling pang-akademiko. Dahil tapos na ang semestre at nagsimula na ang bakasyon, maaari natin habulin ang nagbibigay sigla sa atin.
Ngunit may mga hilig na sadyang hindi natin napag-iiwanan. Hindi tayo pumapayag hanggang maging perpekto ang anumang gusto natin makamtan. Hindi tumitigil sa pag-eensayo ang mga sumasayaw ng hip-hop hangga’t sabay-sabay na silang gumalaw. Hindi tumitigil ang isang musikero hangga’t di niya nakukuha ang kanyang matagal na niyang pina-praktis. May parang gasulinang taglay ang tunay na atleta, musikero, mananayaw na nagbibigay apoy sa anumang gusto nilang gawin.
Ganito din sana tayong mga Kristiyano. May apoy ba tayo upang matutunang mabuti ang ating pananampalataya? May gasulina ba tayo na nagpapatindi sa ating hangaring isabuhay ang pagpapakabuti?
Hihilingin natin ito sa panalangin:
“O Dios na makapangyarihan at walang hanggan, lingapin mo nang buong giliw ang bayang pinagkalooban mo ng bagong buhay. Bahaginan mo kami ng hilig sa pagpapakabuti at pagpapakabanal, sa kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay ni Kristong Panginoon namin. Amen.”