Buhay pa ba ang iyong mga lolo at lola? Sa aking mga misa sa umaga laging nakikita kong nagsisimba ang mga matatanda. At lagi nilang sinasabi na sila’y naiiwanan na lamang ng kanilang mga anak.
Sa ibang bansa, nilalagay na lamang sila sa Home for the Aged. Buti na lang nasa kultura pa rin natin ang alagaan sila. Malaki ang silbi nila sa ating buhay-pananampalataya, at seryoso, hindi lamang sa pagnonobena o pagrorosaryo.
Naalala ko ang aking lola. Mayroon siyang isang prayer book kung saan nakaipit ang iba’t ibang stampita. Kadalasan naka-ikot kami sa kanya habang pinapakita niya ang iba’t ibang stampita. Sa bawat stampita meron siyang kuwento ukol sa kanyang mga kapatid o magulang. “Nagmana ka sa kanya, kasi magaling siya sa musika.”
Sa kanyang mga kuwento, nagkakaroon ng hugis at ugat ang ating identity bilang pamilya. We are formed by our family stories.
Kaya mahalaga sa ating lahat ang makipagkuwentuhan sa ating mga lolo’t lola. Hindi lamang matutuwa sila, kundi lalung lalalim ang ating pagkilala sa ating sarili’t pinanggalingan. Ang pagkakaiba ng isang pamilya ay nakabatay sa kuwentong-buhay.
Ganito din ang pananampalataya: ang buong bibliya ay kuwento ng ating mga ninuno.
Manalangin tayo: “Panginoon, hubugin mo sa amin ang pusong nagbibigay ng puwang sa aming mga nakatatanda. Nawa’y makita namin ang iyong mukha sa kanila. Amen.”