Sa panahon ng social media, mabilis ang pagsanib ng kultura ng Halloween sa pagdiriwang ng Undas o sa pagdiriwang ng Kapistahan ng mga Banal. Mas higit na binibigyang halaga ang nakakatakot, kaysa nagbibigay ng inspirasyon. Ang salitang Halloween ay galing sa Lumang Ingles; pinagsama nila ang “Holy o Hallow” at “evening,” hanggang naging Halloween.
Ayon sa Wikipedia, ang tradisyon ng Halloween nakaugat sa Kristiyanismo, kung saan nakaugalian ng mga tao ang manalangin at magtirik ng kandila para sa mga yumao, kasama ang mga banal at martyr ng Simbahang Katolika. Ngunit sa paghahalo ng iba’t ibang impluwensiya ng komersyalismo at secularisasyon, nawala ang kahulugang may kinalaman sa pananampalataya.
Ibabalik po natin ito. Higit nating alalahanin ang mga taong nagbigay inspirasyon at buhay sa atin, kapamilya man o kapatid natin sa pananampalataya. Tatanawin natin ngayon ang ating utang na loob sa kanila. Samahan niyo po ako manalangin:
“Panginoon, bigyan niyo po ang aming mga yumao ng kapayapaan magpakailan man. Sa pag-alala namin sa kanila, nawa ang kanilang halimbawa ang magsilbing gabay sa aming buhay ngayon at kung kami’y mamamatay, Amen.”