Noong unang mga panahon, isang hari ang tumulong sa isang wizard o salamangkero na nagkubling isang pulubi. Sinubukan ng salamangkero ang puso ng bagong kahihirang na hari. At dahil naipamalas ng hari ang kanyang tunay na pagkatao, binigyan siya ng salamangkero ng isang singsing na may kapangyarihang pa-igtingin ang kabutihan ng sumusuot nito.
At totoong ngang minahal ang hari ng lahat ng kanyang mga sakop, kasama na rin ang mga hindi kabilang sa kanyang kaharian.
Nagdaan ang mga taon at ipinasa ang singsing sa mga anak ng mga hari, hanggang humantong ito sa isang haring may tatlong anak, na pawang mabubuti at may malasakit sa kapwa. Kaya nagpagawa ang hari ng dalawa pang singsing na magkasing-tulad sa orihinal. Nang namatay ang hari, nagtalo ang tatlong anak kung sino sa kanila ang may-ari ng tunay na singsing.
Nang sumangguni sila sa salamangkero ng kaharian, ito ang kanyang tugon: “malalaman lang po sa epekto ninyo sa mga tao.”
Mga kapamilya, hindi nakasalalay sa ating mga pinanggalingan o mga titulo sa buhay, ang ating karangalan. Ipagdasal natin na ang katunayan ng ating pagiging Kristiyano ay nakikita sa ating mga gawaing maka-tao at maka-Diyos.