Sumasama na ba ang pagtingin mo sa buong mundo? O kaya’y madaling mawala ang pasensya natin sa ibang tao o sitwasyon sa buhay? May kuwento ako. Sa ibang bansa, ang pagsasaka ay high-tech. Malalawak ang mga bukid at gumagamit na ng eroplano sa paglalagay ng fertilizers o pesticides.
Isang araw, upang makita ang buong lupain, isinama ng may-ari ng lupa ang isang kasamahan na magsasaka sa eroplano upang suriin ang mga tanim. Sa buong sakay sa maliit na eroplano, walang imik ang magsasaka habang tumitingin lamang siya sa napakaganda at makulay na bukid na lalu pang gumanda sa liwanag ng araw.
Nang bumaba na sila sa eroplano, winika ng magsasaka sa may-ari: “Kaya pala hindi nawawala ang pasensya ng Diyos sa mundong ito. Mas maganda at malawak ang kanyang pananaw kaysa sa atin.” Mga kapamilya, minsan hindi natin makita ang kagandahan sa ating buhay dahil nakikita lamang natin ang kapangitan nito. Ngunit, kung pagnilayan natin at pagdasalan ang ating buong buhay, tulad ng tanawing nakikita natin sa eroplano, makikita natin ang kagandahang nakikita ng Diyos sa atin.