Nung isang araw may lumapit sa akin para ibahagi ang kanyang malaking problema. Pagkatapos ng kanyang pagbabahagi, sinimulan ko ang pagpo-proseso upang masolusyonan ang kanyang dinaraing. Ngunit sa aking pagkagulat, ang kanyang tugon ay ito: “Sige lang po, pinapaubaya ko na lang sa Diyos. Bahala na si Lord.”
Tama naman kung tutuusin ang kanyang sinabi, ngunit may bahaging hindi tama. May kuwento ako sa panahon ng Ondoy. Nang tumaas na ang tubig ng Marikina River, umakyat si Arnold sa kanyang bubong. May dumaang life-boat, ngunit sabi niya, “Malakas ang paniniwala ko sa Diyos, ililigtas niya ako.” Nang tumaas muli ang tubig, umakyat siya sa isang kahoy na mas mataas sa kanyang bubong. May dumaan na rescue boat uli, ngunit tinanggihan ito dahil matatag daw ang kanyang pananampalaya. Sa kahuli-hulihan, dumaan ang isang helicopter, ngunit pinakawalan niya ito.
Nang siya’y namatay, nagkita sila ng Dios. Reklamo niya, “Bakit hindi mo ako iniligtas?” Sabi ng Diyos, “nagpadala ako ng dalawang lifeboats at helicopter, ano pa ba ang magagawa ko?” Mga kapamilya, mahalagang matibay ang pananampalaya sa Diyos, ngunit kailangang sabayan ito ng masigasig na paghahanap ng solusyon. Sa pagpapaubaya ng ating problema sa Diyos, ipagdasal natin ang mabilis nating paggawa sa solusyong nakita.