Nang sumabog sa buong media ang pagkamatay ni Robin Williams, maraming mga komentaryo ukol sa buhay ng mga komedyante. Sabi ng isa, ang nagpapatawa sa atin, ay siya namang kailangang pangitiin. Kaya may tanong ako: may mga oras ka bang nagkukunwari? Nakikita sa labas ang iyong ngiti, ngunit lingid sa kanila, ang iyong pighati?
Ginagampanan ng mga artista ang iba’t ibang papel sa palabas o sa pelikula, maliban na lamang sa kanilang sarili. O kaya, ang mga may katungkulan, kung saang nakatutok ang mga mata ng tao sa kanilang ginagawa. Public figures, kung sila’y tawagin. O ang mga taong parte ng kanilang hanap-buhay ang laging naka-ngiti at kaaya-aya sa harap ng tao: agad-agad ba silang huhusgahan bilang plastik?
Kahit ano pa man ang kailangang makita sa panlabas, hindi hungkag o inaagnas ang panloob. May mga sitwasyong kailangang magkunwari. Hindi pwedeng dalhin ang problema ng bahay sa ating hanap-buhay. Ngunit mahalagang buo ang ating kalooban at pagkatao. Kaya hindi natin pinapabili ang ating dignidad at prinsipyo sa ibang tao. Ito ang palatandaan ng iyong sarili: Ang tunay na ikaw, ay ang siyang-siya kung walang tumatanaw. Humingi tayo ng tulong sa Diyos na mapanatili natin ang totoo: na tayo ay Kanyang mga anak.