Ano ba ang silbi ng maraming unos sa ating buhay?
Pauwi na si Pedro nang nawalan ng ilaw ang mga poste sa kanyang daraanan. Malayo pa ang kanyang bahay at balot sa kadiliman ang buong lugar. Wala siyang dalang flashlight o kandilang maaring gumabay sa kanyang daan.
Sa kasawimpalad, lumakas ang ihip ng hangin sabay ang pagtakip ng madilim na ulap sa lahat ng kanyang madadaanan. Lumindol ang kanyang paligid at bumuhos ang ulan. Ngunit kasabay ng lahat ng ito ang kidlat. Kaya, hinintay ni Pedro ang kidlat, at sa biglang liwanag, nakita niya ang daan.
Unti-unti niyang sinundan ang daan sa bawat liwanag na galing sa kidlat hanggang nakarating siya sa kanyang bahay. Ang lahat ng masasamang pangyayari sa atin ay maaari nating gamitin bilang liwanag sa ating buhay.
Ipagdasal nating matuto sa anumang sakuna, upang sa liwanag na ito, makarating tayo sa kinabukasang ating inaasam-asam.