Sabi ni Pope Francis na kailangan nating kilalanin ang ating sarili nang mas malalim upang makapaglingkod sa kapwa nang mas mahusay. May kuwento ako. Isang araw, nakita ng pintor ang kanyang kaibigan na malungkot na malungkot. Nakayuko ang kanyang ulo at tila mabigat ang kanyang pasanin. Pakiramdam daw ng kanyang kaibigan na walang nagmamahal sa kanya.
Kaya niyaya siya ng pintor na dumalaw sa kanyang studio. Sa gitna ng kuwarto ay may isang bangko. Doon niya pinaupo ang kanyang kaibigan, at pinag-aralan ang kanyang mukha at katawan. Pagkatapos, sinimulan niya ang kanyang pagpipinta. Dumaan ang ilang araw nang pabalikin ng pintor ang kanyang kaibigan. Anya, “Ito ang aking obra maestra. Wala nang hihigit pa sa gawain kong ito.”
Nagulat ang kanyang kaibigan nang inalis ng pintor ang takip ng larawan. Maliwanag ang mukha ng nasa larawan, nakangiti at buhay na buhay ang mga mata. Ako ba ito? Tanong ng kaibigan. Oo, sabi ni pintor, ito ang larawan mo sa akin!
Ipagdasal natin na makita natin ang kagandahan ng ating pagkatao ayon sa mga mata ng Dios upang sa paglilingkod sa iba, nakikita din natin ang kanilang kagandahan.