
Nauuso na ngayon ang tinatawag na ‘selfie’ bilang pagtukoy sa litrato mo, na ikaw din ang kumuha gamit ang iyong mobile phone o anumang gadget. Pagkatapos, ina-upload ito sa iba’t ibang social networks tulad ng Facebook at Instagram. Nguni’t ang selfie ay ginagamit din bilang larawan sa bagong henerasyong kumikita nang malaki ngunit walang pinaglalaanan na iba kundi ang sarili. Ayon sa isang pag-aaral, priority ng selfie generation ang magkaroon ng gadgets at mga sasakyan.
May peligro ang isang taong “selfie” lalo na kapag siya ay maging isang lider or pinuno ng isang institusyon o ng isang bansa. Ayon sa mga sikolohikal na pag-aaral sa mga iba’t ibang pinuno, sinabi ni Manfred Kets de Vries sa kanyang librong, “Leaders, Fools and Impostors” na ang mga pinunong narcissistic o selfie ay siyang umaabuso sa hawak nilang kapangyarihan. Ito ang sanhi ng isang bulok na pamahalaan.
Sa panahong nalalaman natin kung paano napakinabangan ng iba’t ibang pinuno ng ating bansa ang pork barrel para sa kanilang sariling pagpapakayaman, mas nakikita nating mapanganib ang paglago ng “selfie” generation, at mas lalong nakakatakot itong maging isang kultura; yaong tanggap na natin. Sa totoo lang, alam naman nating ginagawa ito ng ating mga mambabatas. Mga kapamilya, magdasal tayong hindi tayo pasasakop sa kulturang selfie, kundi sasanib tayo sa kabaligtaran nito: ang pagiging tao para sa kapwa.