
Lagi nating naiisip ang paglilingkod sa mga dukha. Sa mga nakaraang eleksiyon, ang plataporma ng maraming kandidato ay ukol sa programang makakatulong sa pag-ahon sa kahirapan. Ngunit, nagiging pipi ang mga sigaw sa pangangampanya pagkatapos malukluk sa trono ng kapangyarihan. Kadalasan, ang pagtulong sa mahihirap ay isang donasyon lamang. Hindi natin maisip na maaari tayong matulungan din ng mga wala.
May kuwento si Padre Pedro Arrupe, isang Heswita tulad ni Pope Francis, noong nakapagmisa siya sa mga maralitang tagalungsod ng Latin Amerika. Isinulat ito sa isang libro, ‘One Jesuit’s Spiritual Journey,’ mga koleksyon ng mg panayam niya. Pagkatapos ng misa, inimbitahan siya ng isa sa mga nagsimba sa kanyang bahay. Pagkarating niya sa kanyang tinitirhan, pinaupo siya sa isang lumang silya. Sa kanyang pwesto, nakikita niya ang napakagandang tanawin ng paglubog ng araw.
Itinuro ng lalaki ang araw, at sa mga sumunod na sandali, wala silang ginawa kundi pagmasdan ang araw hanggang sa tuluyang mawala ito sa abot-tanaw. Wika ni Hesus, ‘Mapapalad ang mga dukha, sa kanila ang kaharian ng Diyos.’ Hindi ba’t manghangmangha ang mga dayuhan sa sigla ng Pinoy kahit tayo ay walang-wala? Pagdasal natin na hindi mawala ang pagpapahalaga sa mga simpleng kasiyahan sa buhay.