Mahalagang alalahanin sa Panahon ng Kuaresma ang katotohanang, “Sa kabila ng pagiging makasalanan, tinatawag parin bilang ‘kasama’ o ‘kasangga’ ni Kristo.” At tinatawag tayo na tumugon sa paanyayang ito. Inaanyayahan tayong tanggapin ang katotohanang, lahat tayo ay makasalanan.
Ngunit ano nga ba ang kasalanan? Ayon kay Fr. James Keenan, SJ ang kasalanan daw ay ang hindi pagpili na magmahal. Halimbawa, ang kasalanan ang hindi pagpiling magbitaw ng mabuting salita sa kapwa kung nararapat naman ito. O hindi pagbibigay ng ating makakaya sa pag-aaral kahit alam natin na may maibibigay pa. O ang hindi pagtulong sa iba kung may kakayahang tumulong. O maging ang simpleng hindi pagpulot ng basura.
May isa akong kuwento: Isang araw, si Satanas ay nagreklamo sa Diyos. Sabi niya, “Hindi ka makatarungan! Napakaraming mga tao ang gumagawa ng mali at makasalanan ngunit tinatanggap mo pa rin sila. Subalit ako, isang kasalanan lang ay itinakwil mo na ako ng habambuhay! Hindi ka makatarungan!, galit na sabi ni Satanas. Sagot ng Diyos kay Satanas, “Bakit, humingi ka na ba ng tawad?” Nawa’y humihingi tayo ng kapatawaran sa Diyos at aminin ang ating mga pagkakasala.