Ang kapanglawan ng Lent o Kuwaresma ay makikita sa paggamit ng simbolo ng abo. Noong unang panahon, ang taong nagsisisi sa kanyang kasalanan ay nagsusuot ng sako at naglalagay ng abo sa buong katawan. Dahil sa kaugaliang ito, simbulo ng pagbabalik-loob ang krus na abo na inilalagay sa ating noo.
Ngunit ang sako at abo ay pawang panlabas lamang. Sinasabi sa banal na kasulatan na kailangang punitin ang ating mga puso, at hindi ang ating mga damit. Niyayaya tayong baguhin ang ating mga puso, magsisi sa ating mga kasalanan at humingi ng tawad sa Diyos. Ang kapanglawan sa Kuwaresma ay galing sa isang banal na pagsisisi. Ito ay banal dahil maka-Diyos ang ating pighati. Humihingi tayo ng tawad sa ating mga personal na kasalanan dahil nakasakit tayo sa iba. Pinagsisisihan natin ang ating mga kasalanan sa kapwa-tao tulad ng mga pagkakamaling ginawa natin sa ating lipunan.
Ilang taon na ang nakalipas nang ideklara ng pamahalaan ng Australia ang kanilang “National Day of Sorrow” bilang pagpapakita ng kanilang pighati sa pang-aaping ginawa nila sa kanilang mga katutubo. Tulad nila, tinatanggap natin sa araw na ito na kasangkot tayo sa maraming kapariwaraan sa ating lipunan. Ipagdasal natin na hindi lamang tayo magturuan sa mga masasamang pangyayari sa ating lipunan, ngunit tingnan sa ating mga puso kung paano tayo naging kasangkot sa problema natin ngayon.