
Happy New Year po!
Habang ninanamnam natin ang masarap na bakasyon sa nakaraang Pasko, nararapat lamang na magbalik-tanaw sa nakaraan upang lalung palalimin ang natutuhan sa mga nagdaang karanasan. Ang pagbabalik tanaw na ito ay makakatulong sa pagkakataong baguhin ang buhay natin sa bagong taong ito. Maari nating gamitin itong tatlong tanong na galing kay San Ignacio de Loyola.
Unang-una: ano ang nagawa ko para sa Diyos? Isa-isahin ang mga importanteng karanasan sa nagdaang taon. Pagnilayan ang katuturan ng mga ito sa iyong buhay. Usisain ang naidulot nitong kabutihan sa iyong paglago bilang anak ng Diyos. Pangalawa: ano ang ginagawa ko sa Diyos? Sa kasalukuyang panahon, ano-ano ang pinagkakaabalahan ko?
Ang pangatlo: ano ang maaaring gawin ko pa para sa Diyos? Ano-anong aspeto sa aking buhay ang kailangan kong bigyan pansin upang lalung akong maging mabuting tao. Pagdasal natin na patuloy ang pagsisikap nating magpakabuti sa paghahangad natin makamtan ang ating mga hangarin sa buhay. Magandang umaga po!