
Ang ating buong buhay ay isang panahon ng paghihintay sa Diyos. Meron akong kuwento.
Matanda na si Mang Carlos, isang kargador sa pier, nang nanaginip siya kay Hesus. Sabi ni Hesus, na maghanda siya bukas ng gabi dahil dadalaw siya sa kanyang bahay. Kaya, hindi pumasok si Mang Carlos kinabukasan para maghanda sa abot niyang makakaya.
Nang lumubog na ang araw, may kumatok sa kanyang pintuan. Patakbo niyang binuksan ito, ngunit isang kartero ang nag-abot ng sulat sa kanya. “Pasensya na po, ginabi ako. Kayo na po ang huli,” aniya. Nang makita ni Mang Carlos na gutom na ang kartero, inalok niyang pa-kapihin muna siya at pakainin. Pagkatapos, naghintay siya muli.
May kumatok muli sa kanyang pinto, sabi niya sa sarili: “Siguro siya na ito.” Si Aling Nena, ang kapitbahay ang nasa bungad ng pintuan, nagpapatulong dahil maysakit si Pedro ang kanyang apo. Kaya tinulungan ni Mang Carlos si Aling Nena, ngunit maghahatinggabi na nang makauwi siya sa bahay. Sa gabing iyon, nanaginip siya kay Hesus na nagsabi, “Salamat sa kape at pagalaga sa akin ngayong gabi.”
Pagdasal natin na makita natin si Hesus sa bawat pagdalaw niya sa atin.