Ang Sukatan ng Tagumpay Ay Nasa Lalim ng Naratnan

Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon
(St. John Baptist Marie Vianney Sunday)
John 16, 24-35
Ano nga ba ang tagumpay? Nasusukat ba ito sa taas ng iyong pinag-aralan, o sa posisyon na iyong hinahawakan? Sino ba ang matagumpay: ang isang mayor na nangungurakot o ang isang janitor na may malasakit? Sino ang tunay na magaling: ang nasa honors class o ang nasa seksyong regular? Kanino ka ba humahanga: sa taong kilala ng lahat, o ang taong kilala lamang ng iilan nilang tinulungan?
Sa mata ng mundo, walang narating na tagumpay ang buhay ni San Jean-Baptiste Ma. Vianney. Pinanganak sa Lyon, France noong 8 Mayo 1786 at nag-aral sa paaralang eklesiyastiko na tinayo ni M. Balley noong 1806.
Bagaman walang pagdududa sa kanyang bokasyon, hindi rin lingid kay M. Balley ang kahinaan sa pag-iisip ni S. Vianney. Hirap na hirap siya sa Latin, Matematika, Kasaysayan at Geograpiya. At dahil hirap siya sa wikang Latin, hindi na rin siya kumuha ng Pilosopiya sa wikang Pranses. Sa unang pagkakataon, hindi rin siya pumasa sa entrance exam sa Mataas na Antas ng Seminaryo. Sa kalaunan lamang siya naka-pasa.
Sa mata ng mundo, puno rin ng kabiguan ang buhay ni Kristo. Namatay siya bilang isang kriminal. Noong unang panahon, simbolo ng mga katiwalian sa gobyerno ang krus. Kung isusukat natin ang pag-unawa ng tagumpay ngayon, ang buhay ni Kristo ay hindi kailanman maituturing na tagumpay.
Ngunit sa mata ng Diyos at ng mga nananampalataya, ang sukatan ng tagumpay ay wala sa layo ng narating kundi sa lalim ng naratnan.
Wika ni Kristo, Walang hihigit pa sa pagmamahal ng isang kaibigang handang ibuwis ang buhay para sa kanyang katoto. Ang handang ibigay ang lahat ang siyang may malalim at tapat na pag-ibig sa atin. Wika ni Mother Teresa ng Calcutta, “Nakakalimutan natin na ginawa tayong lahat para sa isa’t isa.”
Nakilala si S. Vianney dahil sa kanyang malasakit at pagganap sa kanyang gawain bilang isang kura ng Ars, isang maliit na lalawigan malapit sa Lyon. Nakilala siya sa lalim ng kanyang pagmamahal sa mga taong inaalagaan niya bilang kura ng parokya. Tinatag niya ang “The Providence” isang bahay-ampunan ng mga batang babae. Nagsimula siyang nagbigay ng katesismo sa kanila upang makilala nila ang walang-katumbas na pagmamahal ng Diyos.
Hindi nagtagal, naging popular ang kanyang mga turo. Napapaliwanag niya ang pananampalataya sa mga salitang madaling maunawaan ng tao. Nabibigyan niya ng linaw ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga halimbawa na galing sa pang-araw-araw na buhay. Pinapalalim niya ang turo ni Kristo sa pagbabahagi ng kanyang pinagdadasalan. At dahil dito, kailangang lumipat sila sa malaking simbahan upang makasali ang iba pang nais matuto sa larangan ng pananampalataya.
Tinuring niya ang paggabay sa buhay-espiritwal ng mga tao bilang kanyang katangi-tanging responsibilidad. Kung ano ang kulang sa kanyang napag-aralan, binawi niya nang mas higit pa sa laki ng kanyang puso. Nakilala si S. Vianney dahil nagbibigay panahon siya para sa pakikinig at pagbibigay payo sa mga lumapit sa kanya lalo na sa Sakramento ng Pagbabalik-loob. At ito ang mga bagay na hindi nakakalimutan magpakailanman. Ang kadakilaan ay hindi nakukuha sa dami ng diploma kundi sa lawak at lalim ng pag-aruga sa iba.
Sa Ebanghelio, hinihimok tayong isabuhay ang Gawain ng Diyos: ang pagpapalalim lamang ng ating pananampalataya sa Kanya. Ipagdasal natin na ating magawang ituring na tagumpay ang isang bagay kapag ang ating gawain ay nakatulong sa pagkakaisa at pagbubuo ng sambahayan ng Diyos. 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s