Ang bawat tagumpay at kabiguan ay maaaring maging kaban ng impormasyon at karunungan – KUNG papayagan natin ito. Nakikita natin ang ating mga kakayahan sa tagumpay, ngunit mas mahalaga ang mapupulot natin sa mga kabiguan.
Sa ating mga kabiguan, makikita natin ang ating mga maling pag-aakala at paniniwala, kahinaan, masamang pag-uugali, pagpapabaya o kaya’y mga nakaligtaang gawain. Sa kasawimpalad, marami sa atin ang iniiwasang isipin ang mga pagkakamaling ito. Mas gusto nating takpan o huwag pansinin kaysa harapin ang mga ito. Ngunit, kung hindi tayo matututo sa ating pagkakamali, mauulit lang nang mauulit ang mga ito.
Mga kapamilya, may ugali tayong laging iniisip ang hinaharap sa pagpapasya at pagpapatuloy ng ating buhay. Ngunit mahalagang balikan ang ating karanasan, tagumpay man ito o kabiguan, upang malaman kung ano ang ating mga kailangang tutukan para baguhin.
Ipagdasal natin na nawa’y biyayaan tayo ng Panginoon ng lakas ng loob na matuto sa ating mga pagkakamali.