Gusto mo bang makita ang Diyos? Marami tayong naghahangad masulyapan man lamang ang Panginoon tulad ng pagpapakita niya kay San Pablo. Ngunit marami nang mga tao ang naghangad makita Siya, ngunit nabigo. Pero, ipapakita ko siya ngayon.
O ano, gusto mo bang makita ang Diyos ngayon? Oo, ngayon din ipapakita ko siya sa iyo! Sige, tumingin ka sa paligid. Nakikita mo ba ang iyong asawa? Anak? Kaibigan? O kaya yung katabi mo sa simbahan, sa klasroom? Siguro matatawa ka: ang asawa mo, dahil umaga ito, may laway pa. Pero, oo, yan ang mukha ng Diyos! At sasabihin mo, “Nagbibiro lang si Fr. Jboy, hindi ito ang mukha ng Dios, ito ang PAGKAKAMALI ng Dios!”
Mga kapamilya, TAYO ang nagsasabing tayo ang pagkakamali ng Diyos! Ngunit, para sa Dios, hindi Siya nagkamali sa atin. Nakakalimutan natin ang nakasulat sa Aklat ng Henesis: nilikha tayo sa liwanag at wangis ng Diyos. Mahirap paniwalaan, ngunit totoo. Ang mukha ng katabi mo, ang sarili din nating mukha, ang mukha ng Dios. Pagdasal natin na hindi lamang natin makita ang mukha ng Dios sa atin at sa kapwa, kundi maisabuhay natin ang pagiging ka-wangis ng Dios.