Isang pagre-respeto ng proseso ng paglaki at paglago ang debosyon ng Sto. Nino. Nauunawaan natin na ang bata ay unti-unti at hinay-hinay itong tumatanda. Hindi maaaring madaliin ang anumang pagtubo. Pinagpaplanuhan, pinagtiya-tiyagaan at pinagsisikapan ang kahit na anong paglalago, tulad ng isang magulang na nagpapalaki ng anak. At tulad nang sinabi sa Ebanghelio, tuloy-tuloy ang paglaki ni Hesus habang natututo ito sa tunay na buhay. Dahil dito kailangan ang resulta ng debosyon sa Sto. Nino ay isang pagpapahalaga sa proseso ng pag-unlad sa lahat ng aspeto ng ating buhay lalung-lalo sa pananampalatayang nagpapabago sa sistemang hindi sang-ayon sa Diyos.
Pangalawa, pinapahalagahan ng debosyon sa Sto. Nino ang mga katangian ng bata. Paalala: katangian ng bata at hindi asal-bata. Childlike and not child-ish. Sa panahong ito, hinahamon tayong mga Pilipino na pag-isipan ang ating paraan ng pamumuhay lalung-lalo na sa gitna ng mga sakuna.
Pag-isipan ang mga tanging pangangailangan at iwasan ang mga luho sa buhay. At sa kabila ng ating pag-hihirap, pinapaalala sa atin na sana hindi tayo mawalan ng pag-asa at sigla dahil nangako sa atin ang Panginoon. May tiwala ang bata sa kanyang mga magulang. Pagdasal natin na magkaroon din tayo ng tiwala sa Diyos tulad ng mga bata sa kanilang magulang.