Anong Maaring Ipagyabang?

17 August 2010 Martes ng ika-20 Linggo ng Taon
Ezekiel 28, 1-10; RPsalm: Dt 32; Matthew 19, 23-30

Sabi ni Hesus sa Ebanghelio ngayon: “Mahirap pumasok ang isang mayaman sa kaharian ng langit.” Dahil dito, lubhang nagtaka ang mga alagad at nagtanong: “Kung gayon, sino ang makaliligtas?” Sinagot sila ni Hesus, “Sa mga tao, hindi ito maaari; ngunit sa Diyos, ang lahat ay nagagawa.”

Sa Jerusalem, may isang pintuang tao lamang ang makakapasok. Ito ang tinatawag na “People’s Gate” at hindi mo madadala ang kahit anong gamit o hayop. Maaaring gamitin natin ito para ipaliwanag ang Ebanghelio. Maraming damit ang nasusuot ng isang mayaman. Matagal nang nauso ang tinatawag na “layering.” Kapag marami kang nakapatong na damit, tumataba kang tingnan. Hindi ka makakapasok sa “narrow gate” o sa “people’s gate.”

Ang mga halos “nakahubad” lamang ang maaaring makalusot dito. Ngunit mahirap sa atin ang maging “hubo’t hubad,” matagal na nating ikinahiya ang ating kahubaran. Subalit, sa pinakarurok ng ating puso, ito ang pinakamalalim na hinahangad: ang mahalin sa ating tunay na pagkatao. Maraming nagmamahal sa ating mga “isinusuot” hindi sa ating katotohanan.

Maraming uri at kulay ang damit ng mayayaman. Pinagyayabang nila ang kanilang ari-arian. Hindi sila mapalagay kung hindi mo babanggitin ang kanilang hanap-buhay. Dapat tatawagin mo silang, “Dr.” o “Atty.” o “Engineer” o “Architect” atpb. Dapat alam mo din kung meron silang katungkulan sa lalawigan. Kapag di mo natawag silang “Mayor” o “Chief Engineer” — iisipin nilang wala kang respeto sa kanila (bagaman ito’y totoo!). Iba naman ang sanhi ng pinagyayabang. Natutuwa sila kapag nalalaman ng lahat ang kanilang kaugnayan sa mga bigatin!

Dahil dito, tunay ngang mahirap iwanan ang mga nasimulan o ang pagtingin ng tao sa kanila. Mahirap hubarin ang mga kasuotan. Nakabatay ang kanilang pagpapahalaga sa sarili sa damit na kanilang sinusuot. Sa gayon, makikipaglaban hanggang kamatayan ang sinumang nagmamay-ari ng kapangyarihan.

Ngunit ang daan ng kaharian ng Diyos ay simple lamang. Walang komplikasyon. Di kailangan ang ating mga “damit” — ang ating tunay na sarili lamang ang kailangan. At dahil dito kailangang hubarin at iwanan ang anumang pinagyayabang natin. Sa kabilang banda, meron ba tayong maipagyayabang? Lahat ay galing sa Diyos; walang ibang pinanggagalingan ang ating mga kakayahan kundi sa Kanya lamang.

At dahil dito, unti-unti ang ating pagtatanggal ng ating mga pinagyayabangan. Kailangan ang mahabang proseso upang makita ang tunay nating sarili. Tutulungan ka ng sikolohiya na unawain kung bakit hindi natin maiwanan ang ating pinagkakaabalahan.

Ngunit Diyos lamang ang nakakatulong sa pag-huhubad nito. Ang bawat pagtanggal ng ating mga “damit” ay isang gawaing paulit-ulit. Kung alam nating wala tayong maaaring ipagyabang sa Diyos, madali ang paghubad. Kung alam nating lahat ay galing sa Diyos, madaling makita na ang pinakamahalaga at pinakatotoo ay ang ating tunay na sarili. Ano naman ito: ang katotohanang tayo’y mga anak ng Diyos. Ito lamang ang dapat ipakita sa lahat. Ito lamang ang nakikitang mahalaga para sa Diyos.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s